1 - Mapalad siya na nagpapakundangan sa dukha: ililigtas siya ng Panginoon sa panahon ng kaligaligan.
2 - Pananatilihin siya, at iingatan siyang buhay ng Panginoon, at siya'y pagpapalain sa ibabaw ng lupa; at huwag mong ibigay siya sa kalooban ng kaniyang mga kaaway.
3 - Aalalayan siya ng Panginoon sa hiligan ng panghihina: iyong inaayos ang buo niyang higaan sa kaniyang pagkakasakit.
4 - Aking sinabi, Oh Panginoon, maawa ka sa akin: pagalingin mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y nagkasala laban sa iyo.
5 - Ang aking mga kaaway ay nangagsasalita ng kasamaan laban sa akin, na nangagsasabi, kailan siya mamamatay, at mapapawi ang kaniyang pangalan?
6 - At kung siya'y pumaritong tingnang ako siya'y nagsasalita ng walang kabuluhan; ang kaniyang puso ay nagpipisan ng kasamaan sa kaniyang sarili; pagka siya'y lumabas, isinasaysay niya.
7 - Yaong lahat na nangagtatanim sa akin ay nangagbubulong-bulungan laban sa akin: laban sa akin ay nagsisikatha ng panghamak.
8 - Isang masamang sakit, wika nila, ay kumapit na madali sa kaniya; at ngayon siyang nahihiga ay hindi na babangon pa.
9 - Oo, ang aking kasamasamang kaibigan, na aking tiniwalaan, na kumain ng aking tinapay, nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.
10 - Nguni't ikaw, Oh Panginoon, maawa ka sa akin, at ibangon mo ako, upang aking magantihan sila.
11 - Sa pamamagitan nito ay natatalastas ko na nalulugod ka sa akin, sapagka't ang aking kaaway ay hindi nagtatagumpay sa akin.
12 - At tungkol sa akin, iyong inaalalayan ako sa aking pagtatapat, at inilalagay mo ako sa harap ng iyong mukha magpakailan man.
13 - Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan. Siya nawa, at Siya nawa.